Pinag-aaralan ng Premier Volleyball League (PVL) na imbitahan ang Alas Pilipinas bilang guest team sa Invitational Conference bilang bahagi ng paghahanda ng national team para sa 2026 Asian Games sa Nagoya, Japan.
Ayon sa ilang opisyal ng liga, maaaring magsilbing mahalagang tuneup ang paglahok ng Alas Pilipinas upang higit pang mapatatag ang kanilang samahan at laro bago sumabak sa Asian Games.
Kung matutuloy, bubuuin ang Alas Pilipinas ng ilan sa pinakamahuhusay na manlalaro mula sa iba’t ibang PVL teams, kabilang sina Jia De Guzman, Jennifer Nierva, Mhicaela Belen, Eya Laure, Angel Canino, Thea Gagate, at Fifi Sharma.
Kasama rin sa pool sina Vanessa Gandler, Alleiah Malaluan, Nina Ytang, Janette Panaga, Alyssa Solomon at iba pang miyembro ng national team na nasa inisyal na listahang isinumite ng Philippine Olympic Committee sa Asian Games organizing committee.
Batay sa mga ulat, pansamantalang hindi muna makapaglalaro sa kani-kanilang PVL teams ang mga manlalarong nasa national team habang tinutupad ang kanilang tungkulin para sa bansa.











