--Ads--

Tuluyan nang pinagtibay ng Board of Regents (BOR) ng Quirino State University (QSU) ang desisyon nito sa administrative case laban sa suspendidong university president matapos ibasura ang mga Motion for Reconsideration na inihain ng respondent at complainant.

Batay sa Resolution No. 06-26-03, s. 2026 na inaprubahan sa Special Board Meeting ng QSU Board of Regents noong Hunyo 26, 2026, tinanggihan ang Motion for Reconsideration na inihain ng suspendidong university president at board secretary kaugnay ng naturang administrative case.

Ayon sa resolusyon, ibinasura ang mosyon dahil sa kawalan ng sapat na merito at pinagtibay ang orihinal na desisyon ng Board of Regents na may petsang Mayo 8, 2026. Nagkakaisang inaprubahan ng mga miyembro ng BOR ang naturang resolusyon.

Matatandaang pinatawan ang respondent ng dalawang bilang ng Oppression, isang bilang ng Simple Misconduct, at isang bilang ng Simple Neglect of Duty kaugnay ng umano’y mga iregularidad at paglabag sa wastong pamamahala sa loob ng unibersidad.

Dahil dito, ipinataw ang parusang isang taong suspensyon sa serbisyo.

--Ads--

Samantala, inaprubahan din ng Board of Regents ang pagtatalaga kay Dr. Romiro G. Bautista, PhD bilang Pro-tempore Officer-in-Charge (OIC) ng Quirino State University.

Batay sa Resolution No. 06-26-04, s. 2026 na pinagtibay sa espesyal na pagpupulong ng BOR noong Hunyo 26, 2026 sa pamamagitan ng hybrid arrangement, naging epektibo ang pagtatalaga kay Bautista simula Hulyo 7, 2026.

Bago ang kanyang pagtatalaga bilang OIC, nagsilbi si Dr. Bautista bilang Vice President for Academics, Research, and Extension ng Quirino State University, isang posisyong kanyang tinanggap sa pamamagitan ng hiwalay na resolusyon ng Board of Regents noong Abril 2026.