--Ads--

Muling iginiit ni Batanes Governor Ronald P. Aguto Jr. na nananatiling mahalagang bahagi ng Republika ng Pilipinas ang lalawigan ng Batanes kasunod ng pahayag ng ilang Chinese scholar na nagsasabing kabilang umano ito sa China sa pamamagitan ng Taiwan.

Sa isang opisyal na pahayag, sinabi ni Aguto na matibay at malinaw ang kasaysayan at pagkakakilanlan ng Batanes bilang bahagi ng Pilipinas at hindi ito maaaring pagdudahan.

Ayon sa gobernador, sa pagdiriwang kamakailan ng ika-243 anibersaryo ng pagkakatatag ng lalawigan, hindi lamang itinatampok ang pagkakabuo ng mga institusyong sibil at panrelihiyon kundi maging ang mahigit dalawang siglong kasaysayan ng Batanes bilang bahagi ng bansa.

Binigyang-diin din niya na matagal nang isinasagawa sa lalawigan ang pamamahala sa ilalim ng soberanya ng Pilipinas at nananatiling malinaw at hindi mapag-aalinlanganan ang karapatan ng bansa sa Batanes.

--Ads--

Ang pahayag ng gobernador ay tugon sa naging pahayag ng ilang Chinese academic sa isang symposium kung saan iginiit nilang ang Batanes ay geographical extension ng Taiwan at dahil dito ay kabilang umano sa China.

Samantala, agad namang pinabulaanan ng mga awtoridad sa Pilipinas ang naturang pahayag at nilinaw na ito ay opinyon lamang ng mga iskolar at hindi opisyal na posisyon ng pamahalaan ng China.