--Ads--

Sa pagpapatuloy ng oral arguments hinggil sa 2024 national budget, sinabi ni Solicitor General Darlene Berberabe na tanging bicameral conference committee report at joint explanation lamang ang naipasa ng OSG sa Korte Suprema.

Ayon kay Berberabe, nang humingi sila ng mga dokumento mula sa Senado at Kamara, ipinaalam umano ng mga ito na wala silang maipapakitang sertipikadong records maliban sa bicam report na itinakda ng kanilang mga panuntunan.

Matatandaang hiniling ni Associate Justice Benjamin Caguioa ang pagsusumite ng mga dokumentong may kaugnayan sa mga Program, Activities and Projects (PAPs) na umano’y idinagdag sa bicam, kabilang ang halaga ng bawat proyekto, mga supporting documents, at kung handa na itong ipatupad.

Dahil dito, iminungkahi ni Caguioa na magsumite ang mga kinatawan ng Senado at Kamara ng isang sinumpaang pahayag upang kumpirmahin na wala silang hawak na mga dokumentong hinihingi ng Korte.

--Ads--

Samantala, iginiit ni dating Senate President Franklin Drilon, na nagsilbing amicus curiae o friend of the court, na plenary power ng Kongreso ang paglalaan ng unprogrammed appropriations at hindi ito maaaring basta-bastang limitahan.

Gayunman, sinabi niyang maaari pa ring suriin kung may naging maling paggamit sa naturang kapangyarihan.

Sa pagdinig, tinalakay rin ang isyu ng unprogrammed appropriations, kung saan binanggit ni Associate Justice Raul Villanueva ang acronym na “UAHI” o “Unprogrammed Appropriations Huwag Ibulsa” bilang paalala laban sa posibleng pang-aabuso sa paggamit ng pondo ng bayan.

Nanindigan naman ang OSG na hindi dapat manghimasok ang hudikatura sa kapangyarihan ng Kongreso at ehekutibo sa paglalaan ng pondo, maliban sa tungkulin nitong suriin kung naaayon ito sa Konstitusyon.