--Ads--

Inanunsyo ni private prosecutor Atty. Lorna Kapunan na hindi na ipipresenta ng House prosecution panel sina Atty. Zuleika Lopez at Capt. Belinda Bello bilang mga testigo sa nagpapatuloy na impeachment trial laban kay Vice President Sara Duterte.

Ginawa ni Kapunan ang pahayag matapos ang dalawang araw na pagtestigo ni National Bureau of Investigation (NBI) BARMM Regional Director Atty. Jeremy Lotoc sa impeachment court.

Ayon kay Kapunan, layunin sana nilang iharap si Lopez upang patunayan ang pagiging tunay o authenticity ng video ng kontrobersyal na virtual press conference noong Nobyembre 23, 2024. Gayunman, sinabi niyang mistulang inamin na rin ng depensa ang pagiging authentic ng video nang gamitin nila ito sa kanilang mga argumento.

Dagdag pa niya, sapat na rin ang mga naiprisintang dokumentaryong ebidensya at mga testimonya ng mga opisyal ng NBI, kabilang sina John Mark Calilung at Atty. Lotoc, pati na ang mga paglilinaw at pagtatanong ng mga senator-judges.

--Ads--

Ipinaliwanag ni Kapunan na si Lopez sana ay magpapatotoo na personal siyang naroroon sa detention facility nang mabanggit umano ni Duterte ang mga kontrobersyal na pahayag laban kina Pangulong Ferdinand Marcos Jr., First Lady Liza Araneta-Marcos, at dating House Speaker Martin Romualdez.

Samantala, sinabi rin niyang hindi na kailangan ang testimonya ni Capt. Bello dahil magsisilbi lamang itong corroborative o pagpapatibay sa mga nauna nang ebidensyang naiharap.

Si Bello sana ay magpapatunay tungkol sa umano’y transfer order sa detention center na naging bahagi ng usapin sa naturang virtual press conference.

Malugod namang tinanggap ng kampo ng bise presidente ang naging desisyon ng prosekusyon.

Ayon kay Atty. Michael Poa, isa sa mga abogado ni Duterte, wala silang pagtutol sa hakbang ng prosecution panel bagama’t hindi nila ito inaasahan.

Sa kabila nito, dumating pa rin si Atty. Zuleika Lopez sa Senado noong Martes bago ang pagsisimula ng pagdinig at nagtungo sa holding area ng defense panel.

Nagpatuloy naman ang pagdinig sa pamamagitan ng cross-examination, re-direct examination, at re-cross examination kay Atty. Jeremy Lotoc bilang pangunahing testigo ng prosekusyon.