Umalis ng bansa si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. nitong Lunes para sa tatlong araw na working visit sa Singapore na nakatuon sa pagpapalakas ng relasyon ng dalawang bansa, pagpapanatili ng katatagan sa rehiyon, at paghikayat ng mas maraming pamumuhunan.
Bandang alas-5:27 ng hapon nang lumipad ang Pangulo patungong Singapore, na itinuturing na kanyang ika-45 biyahe sa ibang bansa mula nang maupo sa pwesto.
Sa kanyang pagbisita, magkakaroon si Marcos ng courtesy call kay Singapore Prime Minister Lawrence Wong upang talakayin ang pagpapalawak ng kooperasyon sa larangan ng kalakalan, pamumuhunan, kalusugan, at pangangalaga sa kalikasan.
Pag-uusapan din ng dalawang lider ang kanilang suporta sa katatagan ng rehiyon at sa mahalagang papel ng Association of Southeast Asian Nations o ASEAN. Kasalukuyang chair ng ASEAN ang Pilipinas ngayong taon, habang nakatakdang mamuno ang Singapore sa 2027.
Nakatakda ring dumalo ang Pangulo sa isang pribadong roundtable discussion na inorganisa ng Milken Institute sa Philippine Embassy sa Singapore at makipagpulong sa mga business leader upang hikayatin ang karagdagang investments sa bansa.
Ayon sa Presidential Communications Office, bahagi ito ng hakbang ng pamahalaan upang makahikayat ng mas maraming mamumuhunan kasunod ng pagkilala sa Pilipinas bilang isang upper-middle-income country.
Samantala, dadalo rin si First Lady Liza Araneta-Marcos sa Global Economic Cooperation East Summit kung saan siya inimbitahan ng Future Economic Cooperation Council, isang economic platform na nakabase sa India.
Habang nasa Singapore ang Pangulo, pansamantalang mangangasiwa sa ilang tungkulin ng pamahalaan sina Executive Secretary Ralph Recto, Agrarian Reform Secretary Conrado Estrella III, at Labor Secretary Francis Tolentino.










