--Ads--

Arestado ang isang 22-anyos na lalaking wanted sa kasong murder matapos maaresto sa isinagawang manhunt operation ng mga operatiba ng Cauayan Component City Police Station sa Barangay Rizal, Alicia, Isabela, kung saan nasamsaman din ito ng hinihinalang shabu.

Kinilala ng pulisya ang suspek bilang residente ng District 1, Cauayan City, na nahaharap sa kasong murder sa bisa ng warrant of arrest na inilabas ng Regional Trial Court Branch 40, Cauayan City, Isabela. Walang inirekomendang piyansa para sa kanyang pansamantalang paglaya.

Ayon sa ulat, isinagawa ang operasyon ng Manhunt Charlie Tracker Team ng Cauayan Component City Police Station sa pakikipag-ugnayan sa Alicia Municipal Police Station, Provincial Intelligence and Investigation Unit (PIIU), Regional Intelligence Unit 2 (RIU-2), at 2nd Provincial Mobile Force Company (PMFC) matapos matukoy ang pinagtataguan ng akusado.

Sa isinagawang pag-aresto at search, nakumpiska mula sa suspek ang isang heat-sealed transparent plastic sachet na naglalaman ng hinihinalang shabu na may tinatayang timbang na 0.05 gramo at tinatayang nagkakahalaga ng ₱3,400.

--Ads--

Dahil dito, bukod sa kasong murder ay nahaharap din ang suspek sa kasong paglabag sa Section 11 ng Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.

Isinagawa ang inventory at pagdodokumento sa mga nakumpiskang ebidensya sa presensya ng mga kinatawan ng barangay at media alinsunod sa itinakdang proseso. Ipinaalam din sa suspek ang kanyang mga karapatan sa ilalim ng Miranda Doctrine at Republic Act 9745 o Anti-Torture Act of 2009 sa wikang kanyang nauunawaan.

Kasalukuyang nasa kustodiya ng Cauayan Component City Police Station ang naarestong suspek para sa kaukulang dokumentasyon at pagsasailalim sa mga legal na proseso bago iharap sa korte.