Ikinatuwa ng Bise Alkalde ng Luna, Isabela ang matagumpay na pagsasagawa ng Mass Cardiopulmonary Resuscitation (CPR) Demonstration sa kanilang bayan bilang bahagi ng pagpapalakas ng kahandaan ng komunidad sa pagtugon sa mga emergency.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Vice Mayor Lelamen Siongco, sinabi nitong mahalaga ang mga ganitong programa upang mas maraming mamamayan ang magkaroon ng sapat na kaalaman at kasanayan sa wastong pagbibigay ng paunang lunas.
Ayon kay Vice Mayor Siongco, ang tamang pagtugon sa mga kaso ng cardiac arrest at iba pang emergency ay maaaring makapagligtas ng buhay kaya nararapat lamang na maabot ng ganitong uri ng pagsasanay ang iba’t ibang sektor ng komunidad, lalo na ang mga kabataan.
Aniya, malaking bagay ang aktibong pakikilahok ng mga estudyante, guro, barangay officials at iba pang sektor sa isinagawang Mass CPR Demonstration dahil nagkaroon sila ng pagkakataong matutunan mula sa mga trainer ang tamang chest compression, wastong paghingi ng tulong sa emergency responders at iba pang mahahalagang hakbang sa pagbibigay ng agarang lunas.
Samantala, ibinahagi naman ni Aya Kyzha Marina, isa sa mga estudyanteng lumahok sa aktibidad, ang mahahalagang aral na kanyang natutunan mula sa pagsasanay.
Ayon kay Marina, mas naging malinaw sa kanya ang tamang paraan ng pagsasagawa ng CPR at ang kahalagahan ng mabilis na pagresponde sa oras ng emergency.
Aniya, malaking tulong ang aktuwal na demonstration upang magkaroon siya ng sapat na kaalaman at kumpiyansang makatulong sakaling may taong mangailangan ng agarang lunas.
Dagdag pa niya, hinihikayat niya ang kapwa kabataan na makilahok sa mga kahalintulad na pagsasanay dahil hindi lamang ito dagdag kaalaman kundi isang kasanayang maaaring magamit sa pagliligtas ng buhay ng pamilya, kaibigan o sinumang nangangailangan ng agarang tulong.











