--Ads--

Sa Lunes na lamang pagpapasyahan ng Senate Impeachment Court sa kahilingan ng prosekusyon na ma-subpoena ang mga tax records, bank accounts at Anti-Money Laundering Council (AMLC) records ni Vice President Sara Duterte at ng kanyang asawang si Atty. Manases Carpio.

Matapos ang caucus ng mga senator-judges nitong Miyerkoles, sinabi ni Senate impeachment court presiding officer Senador Francis “Chiz” Escudero na napagkasunduan nilang ipagpaliban hanggang Lunes ang pagdedesisyon sa oral arguments ng prosekusyon at depensa upang masuri nang mabuti ang mga kumplikadong isyu at argumentong iniharap ng magkabilang panig.

Samantala, winithdraw ng prosecution panel ang lima sa kanilang natitirang mga testigo para sa Article IV ng impeachment complaint na may kaugnayan sa umano’y pagbabanta ni Duterte kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. at sa kanyang pamilya.

Ayon kay lead prosecutor at Batangas 2nd District Rep. Gerville Luistro, kabilang sa mga hindi na pahaharapin sa impeachment court ang kinatawan ng PNP Firearms and Explosives Office, mga mamamahayag na sina Mikhail Flores at Bonz Magsambol, Sheriff Abe Andres, isang miyembro ng pamilya ng umano’y biktima ng pagbabanta, at isang psychiatrist na hindi pinangalanan.

--Ads--

Sinabi ni Luistro na sapat na ang mga naging testimonya nina NBI Senior Agent John Mark Calilung at NBI Regional Director Atty. Jeremy Lotoc upang patunayan ang umano’y pagbabanta at ang pagiging tunay ng video kung saan narinig si Duterte na nagbitiw ng pahayag laban sa Pangulo.

Si NBI Director Melvin Matibag naman ang magsisilbing huling testigo ng prosekusyon para sa Article IV at nakatakdang humarap sa Senate impeachment court sa Martes, Hulyo 21.