Patuloy na pinaigting ng Estados Unidos ang opensibang militar laban sa Iran kasunod ng umano’y paglabag nito sa Memorandum of Understanding (MOU) kaugnay ng ligtas na pagdaan ng mga commercial vessel sa Strait of Hormuz.
Ayon kay Marissa Pascual, Bombo International News Correspondent sa USA, sinabi nitong muling nagpatupad ang Estados Unidos ng naval blockade sa mga pantalan ng Iran at nagsagawa ng sunod-sunod na airstrike sa mga military installation, missile sites at iba pang strategic targets malapit sa Strait of Hormuz.
Ayon kay Pascual, sinabi ni US President Donald Trump na lalo pang paiigtingin ang mga pag-atake sa mga susunod na araw upang pahinain ang kakayahan ng Iran at hikayatin itong makipagkasundo sa usapang pangkapayapaan. Aniya, iginiit ng Estados Unidos na Iran ang unang lumabag sa kasunduan matapos umanong pagbabarilin ang mga commercial vessel na dumaraan sa naturang ruta.
Dagdag pa niya, binawi rin ng US ang mga waiver na nagpapahintulot sa Iran na makapagbenta ng langis at ma-access ang ilang bank transactions, kabilang ang pag-freeze sa milyun-milyong dolyar na digital assets ng bansa bilang bahagi ng mas mahigpit na economic sanctions.
Samantala, sinabi ni Pascual na nananatiling bukas ang Strait of Hormuz sa kabila ng pahayag ng Iran na isinara na ito. Aniya, batay sa tala, mahigit 70 commercial vessels ang nakadaan sa naturang ruta mula Hulyo 13 hanggang 15, bagay na aniya’y nagpapakitang nagpapatuloy pa rin ang operasyon ng mahahalagang shipping lane sa kabila ng tumitinding tensyon sa Gitnang Silangan.











