--Ads--

Naging sentro ng usapan sa social media si TV host Mariel Padilla matapos mapansin ng ilang netizens na tila hindi na niya pina-follow sa Instagram ang mga aktres na sina Angel Locsin at Anne Curtis.

Napansin umano ng mga netizen na wala na sa following list ni Mariel ang dalawang artista kasunod ng pag-viral ng mensahe ni Angel na tumatalakay sa ilang isyu kaugnay ng asawa nitong si Sen. Robin Padilla.

Sa pagsusuri sa Instagram account ni Mariel, hindi na makikita ang pangalan nina Angel at Anne sa listahan ng kanyang mga sinusubaybayan. Gayunman, batay sa mga ulat hanggang alas-11:49 ng gabi ng Hulyo 17, nananatiling naka-follow sina Angel at Anne kay Mariel sa kani-kanilang Instagram accounts.

Samantala, usap-usapan din kung bakit nadamay si Anne sa kontrobersiya. Ayon sa ilang netizens, maaaring may kaugnayan ito sa kanyang pagpapakita ng suporta kay Angel matapos magkomento sa post ng aktres ng, “Welcome back Mars, ay Darna pala.”

--Ads--

Matatandaang naging laman ng balita si Angel matapos ilabas ang isang mahabang pahayag kung saan ipinahayag niya ang kanyang pagkadismaya sa ilang posisyon at pahayag ni Sen. Robin Padilla, kabilang ang mga isyu tungkol sa red tagging, suporta kay Kingdom of Jesus Christ founder Apollo Quiboloy, at mga usapin kaugnay ng China at West Philippine Sea.

Samantala, tila nagpahiwatig naman ng reaksyon si Rommel Padilla, kapatid ng senador, matapos niyang ibahagi sa social media ang isang post ng netizen na pumupuna kay Angel.

Sa kasalukuyan, wala pang inilalabas na opisyal na pahayag sina Mariel Padilla, Angel Locsin, at Anne Curtis kaugnay sa isyu ng umano’y pag-unfollow sa Instagram.