Pinaiigting ng lokal na pamahalaan ng Cauayan ang pagpapaunlad ng para sports sa pamamagitan ng pagsasagawa ng Para Sports Clinic bilang bahagi ng pagdiriwang ng 48th National Disability Rights Week, na layong matukoy at malinang ang mga persons with disabilities (PWD) na may potensyal na maging para-athlete.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Jonathan Galutera, Disability Affairs Officer ng Persons with Disability Affairs Office (PDAO) Cauayan, sinabi nitong magsisilbing mahalagang hakbang ang programa sa pagbuo ng mas malawak na hanay ng mga para athlete na maaaring kumatawan sa Cauayan sa mga panrehiyon, pambansa at internasyonal na kompetisyon.
Ayon kay Galutera, gaganapin ang Para Sports Clinic sa Hulyo 30 hanggang 31 sa pangunguna ng mga coach mula sa City Sports Office, katuwang ang mga sports trainees, na magsasagawa ng pagsasanay at talent identification sa mga kalahok.
Aniya, inaasahang magmumula ang mga kalahok sa mga paaralan, komunidad at iba pang sektor, kabilang ang mga out-of-school youth na may kapansanan, upang mabigyan ng pagkakataong malinang ang kanilang kakayahan sa iba’t ibang disiplina ng para sports.
Kabilang sa mga isasagawang pagsasanay ang archery, athletics, swimming at iba pang para sports games na maaaring salihan ng mga atletang may kapansanan.
Dagdag pa ni Galutera, nakatuon ang programa sa mga PWD na may edad 25 taong gulang pababa, habang isinasapinal pa ng lokal na pamahalaan ang haba at iskedyul ng pagsasanay upang matiyak ang tuloy-tuloy na paghahanda ng mga para athlete para sa mga susunod na kompetisyon.
Samantala, hinikayat ni Galutera ang mga persons with disabilities (PWD), lalo na ang mga kabataang may edad 25 taong gulang pababa, na lumahok sa Para Sports Clinic upang maipakita ang kanilang kakayahan at mabigyan ng pagkakataong maging bahagi ng susunod na henerasyon ng mga para athlete na maaaring kumatawan sa Cauayan at sa Pilipinas sa mga panrehiyon, pambansa at internasyonal na kompetisyon.











