--Ads--

Nagsimula na ang pamamahagi ng UPLIFT o United Package for Livelihood, Industry, Food and Transport Assistance sa ilang lugar sa Cagayan Valley bilang tugon ng pamahalaan sa epekto ng tumataas na presyo ng langis bunsod ng kaguluhan sa Middle East.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Regional Director Lucia Alan ng DSWD Region 2, sinabi nitong bahagi ang UPLIFT ng Assistance to Individuals in Crisis Situation (AICS) na layong magbigay ng agarang ayuda sa mga pamilyang apektado ng kasalukuyang krisis.

Ayon kay Alan, sa ilalim ng unang grupo ng programa ay makatatanggap ng tig-₱2,000 na isang beses na ayuda ang 85,752 benepisyaryo ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) at 6,132 benepisyaryo ng Walang Gutom Program sa Region 2, o kabuuang 91,842 pamilya.

Samantala, kabilang naman sa ikalawang grupo ang 50,948 poor at near-poor households sa rehiyon na makatatanggap ng tig-₱2,000 buwan-buwan mula Hulyo hanggang Disyembre.

--Ads--

Habang ang ikatlong grupo naman ay kinabibilangan ng mga low wage o low income workers, kabilang ang mga benepisyaryo ng Social Security System (SSS), na makatatanggap din ng tig-₱2,000 buwan-buwan hanggang Disyembre.

Sinabi ni Alan na nagsimula ang pamamahagi ng UPLIFT assistance noong Hulyo 20 sa Ilagan City, Baggao, Kasibu, Diffun at Basco, Batanes.

Ipinaliwanag din ng opisyal na ang listahan ng mga benepisyaryo ay mula sa 2024 Community-Based Monitoring System (CBMS) ng Philippine Statistics Authority (PSA).

Aniya, kinakailangang magpakita ng National ID ang mga benepisyaryo sa pagkuha ng ayuda. Kung wala nito, maaari namang gumamit ng iba pang government-issued ID gaya ng driver’s license.

Dagdag pa ni Alan, para sa mga susunod na payout mula Agosto hanggang Disyembre, isasailalim muna sa validation ang mga benepisyaryo at kinakailangang magsumite ng mga dokumentong magpapatunay na kabilang sila sa sambahayan ng nakatalagang benepisyaryo.

Sinabi rin niyang unti-unti nang ililipat sa digital payout sa pamamagitan ng GCash ang pamamahagi ng ayuda. Kaya hinihikayat ang mga benepisyaryo na magbigay ng contact number. Para naman sa mga walang sariling cellphone, maaari umanong gamitin pansamantala ang cellphone number ng kanilang anak o kamag-anak upang matanggap ang mga susunod na payout.

Samantala, pinayuhan ng DSWD ang lahat ng benepisyaryo na hintayin ang opisyal na iskedyul ng payout sa kani-kanilang lugar at makipag-ugnayan lamang sa kanilang lokal na tanggapan ng DSWD o lokal na pamahalaan para sa kaukulang anunsyo.