Nakatakdang simulan anumang araw ang cloud seeding operation sa Magat Dam watershed bilang bahagi ng hakbang ng pamahalaan na madagdagan ang pag-ulan, mapataas ang water elevation ng Magat Dam, at matiyak ang sapat na suplay ng tubig para sa mga magsasaka sa Cagayan Valley.
Sa panayam ng Bombo Radyo kay NIA-MARIIS Department Manager Engr. Gileu Michael Dimoloy, sinabi nitong sa sandaling makumpleto ang inspeksyon sa mga logistics, kabilang ang eroplano at asin na gagamitin sa operasyon ay maaari nang simulan anumang araw ang cloud seeding.
Aniya, ang Bureau of Soil and Water Management (BSWM) ang nangasiwa sa procurement ng mga kinakailangang kagamitan at naihanda na ang mga ito noon pang Disyembre 2025 bilang paghahanda sa posibleng epekto ng El Niño. Dumaan din aniya ang operasyon sa kinakailangang clearance mula sa Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP) at koordinasyon sa Philippine Air Force.
Ipinaliwanag nito na hindi basta-basta isinasagawa ang cloud seeding dahil gumagamit ang BSWM ng makabagong teknolohiya upang matukoy ang mga ulap na may mataas na posibilidad na makapagbigay ng ulan. Sinabi nitong hindi lahat ng ulap ay maaaring isailalim sa cloud seeding dahil may mga scientific parameters at limitasyong sinusunod upang matiyak na magiging epektibo ang operasyon at hindi masasayang ang oras, fuel at pondo ng pamahalaan.
Mayroong nakalaan na humigit-kumulang P2.5 milyon para sa cloud seeding operation na katumbas ng 30 flying hours.
Samantala, bahagyang tumaas na sa 162.2 meters above sea level ang water elevation ng Magat Dam matapos ang naranasang mga pag-ulan at ang ipinatupad na water management strategy ng NIA-MARIIS, kabilang ang pansamantalang pagsuspinde ng patubig sa ilang lugar upang maipon ang tubig at mapatubigan ang iba pang irrigation canals.
Sa kasalukuyan, nagpapatubig na rin ang NIA sa South High Canal, Oscariz Main Canal at iba pang bahagi ng irrigation system, habang umaasa ang ahensya na makadaragdag pa sa inflow ng Magat Dam ang inaasahang mga pag-ulan at ang nakatakdang cloud seeding operation.
Bagama’t una nang nagpaalala ang NIA na limitahan lamang sa 60,000 ektarya ng lupa ang taniman ngayon cropping season, sinabi ni Engr. Dimoloy na umabot na sa 91,000 ektarya ang natamnan matapos samantalahin ng maraming magsasaka ang mga pag-ulan nitong mga nakalipas na araw.
Gayunman, nagbabala itong mahihirapang masuportahan ang naturang lawak ng taniman kung hindi magpapatuloy ang pag-ulan, kaya umaasa ang NIA na magiging matagumpay ang cloud seeding.










