Nasawi ang isang seafarer na iniulat ng Romanian media na Pilipino matapos tamaan ng pag-atake ang isang gas tanker na patungong Ukraine habang naglalayag sa Black Sea.
Ayon sa ulat, kabilang ang seafarer sa tatlong tripulanteng nasugatan nang tamaan ang Liberian-flagged tanker na Gas Lisbon, na may kargang propane at patungo sa daungan ng Reni sa Ukraine.
Batay sa impormasyon mula sa Romania, ang nasawing tripulante ay isang 46-anyos na lalaki na nagtamo ng paso sa 10 porsyento ng kanyang katawan at pinsala sa kanyang daanan ng hangin. Hindi pa kinukumpirma ng mga awtoridad ang kanyang pagkakakilanlan at nasyonalidad.
May sakay na 17 crew members ang barko at mahigit 3,790 toneladang propane nang mangyari ang insidente sa labas ng territorial waters ng Romania. Sinisi ng Ukraine ang Russia sa pag-atake at tinawag itong isang sinadyang akto ng terorismo, habang wala pang tugon ang Moscow sa paratang.
Patuloy namang iniimbestigahan ng mga awtoridad ng Romania kung sino ang responsable sa pag-atake at kung anong uri ng armas ang ginamit sa insidente.









