--Ads--

Nangako si US President Donald Trump kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na kanyang ilalahad sa Chinese leadership ang mga pangamba ng Pilipinas kaugnay ng sitwasyon sa West Philippine Sea sa oras na muli siyang makipagpulong kay Chinese President Xi Jinping.

Nagkaroon ng pag-uusap sa telepono sina Pangulong Marcos at Trump nitong Huwebes ng gabi kung saan tinalakay nila ang iba’t ibang usaping pandaigdig, ekonomiya, at seguridad, kabilang ang mga pinakabagong kaganapan sa South China Sea.

Naganap ang pag-uusap matapos ang naging pagpupulong nina Pangulong Marcos at US Secretary of State Marco Rubio sa Malacañang noong Miyerkules.

Sa naturang pulong, ibinahagi ni Pangulong Marcos kay Rubio ang mga ulat ng karahasan sa South China Sea, kabilang ang insidente ng pananakit umano ng mga tauhan ng China Coast Guard sa dalawang miyembro ng Philippine Navy.

--Ads--

Matagal nang itinuturing na pangunahing kaalyado ng Pilipinas ang Estados Unidos, na katuwang ng bansa sa pagpapanatili ng seguridad at katatagan sa Indo-Pacific, pagpapalakas ng kalakalan at negosyo, at pagtugon sa mga sakuna at iba pang hamon.