Pormal nang inatasan ng Isabela Police Provincial Office (IPPO) ang mga miyembro ng PNP Advisory Council bilang katuwang sa pagpapalakas ng mekanismo ng pagbabantay sa mga repormang ipinatutupad ng Philippine National Police sa lalawigan.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Ginoong Ysmael Atienza Sr., Chairman ng Isabela Anti-Crime Task Force (IACTF) at Adviser ng Isabela Police Provincial Office (IPPO), sinabi nitong ang naturang konseho ay binuo sa ilalim ng inisyatiba ng Internal Affairs Service (IAS) ng Philippine National Police upang magsilbing katuwang sa pagsusuri, pagbibigay ng rekomendasyon at pagsubaybay sa pagpapatupad ng mga programa at polisiya ng kapulisan.
Ayon kay Atienza, layunin ng konseho na makatulong sa pagsasakatuparan ng PNP Patrol Plan 2030 na naglalayong makabuo ng isang moderno, propesyonal at mapagkakatiwalaang organisasyon ng kapulisan na may mataas na pamantayan sa serbisyo publiko.
Sinabi nito na kabilang sa mga tututukan ng konseho ang mga usaping may kaugnayan sa mga pulis na lumalabag sa kanilang tungkulin sa pamamagitan ng pagsusuri sa mga kaso at pagbibigay ng kaukulang rekomendasyon sa mga kinauukulang opisyal.
Nilinaw naman ni Atienza na hindi lamang pananagutan at disiplina ang pokus ng PNP Advisory Council kundi maging ang pagbibigay ng gabay at rekomendasyon upang maiwasan ang mga paglabag at higit pang mapalakas ang propesyonalismo sa hanay ng kapulisan.
Kabilang din sa pangunahing tungkulin ng konseho ang pagbibigay ng estratehikong payo sa mga programa at polisiya ng PNP, pagtukoy sa mga kinakailangang suporta para sa operasyon, pagpapalakas ng ugnayan ng kapulisan at komunidad, at pagsusulong ng transparency at accountability sa organisasyon.
Ayon pa kay Atienza, mahalaga ang papel ng PNP Advisory Council sa pagpapanatili ng tiwala ng publiko sa kapulisan at sa patuloy na pagpapabuti ng kalidad ng serbisyo ng Philippine National Police sa mamamayan.











