Mas pinalawak pa ng Department of Labor and Employment (DOLE) Isabela Field Office ang paghahatid ng mga programa at labor services nito sa mga residente ng mga coastal town ng Maconacon, Divilacan at Palanan sa pamamagitan ng isinagawang outreach activity.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay J Miguel Bacani, Administrative Assistant III ng DOLE Isabela Field Office, sinabi nitong isinagawa ang aktibidad sa pamamagitan ng Technical Advisory Visit (TAV),payout ng iba’t ibang programa at DOLE CARES upang direktang mailapit sa mga komunidad ang serbisyo ng ahensya.
Ayon kay Bacani, hindi lamang livelihood assistance at TUPAD ang kanilang dinala sa mga benepisyaryo kundi maging ang iba’t ibang regulatory services ng DOLE na nagbibigay ng impormasyon hinggil sa labor standards, karapatan ng mga manggagawa at iba pang usaping may kaugnayan sa paggawa.
Ipinaliwanag din nitong bahagi ng Technical Advisory Visit ang pagbibigay ng kaukulang impormasyon at teknikal na gabay sa mga stakeholders upang higit nilang maunawaan ang mga programa ng DOLE gayundin ang kanilang mga karapatan at pananagutan bilang bahagi ng sektor ng paggawa.
Sinabi pa ni Bacani na layunin ng naturang outreach activity na mas mailapit ang serbisyo ng DOLE sa mga residente ng mga malalayong lugar upang hindi na nila kailangang bumiyahe pa sa mga tanggapan ng ahensya para lamang makakuha ng mga kinakailangang serbisyo at impormasyon.











