--Ads--

Nakaalerto na ang San Manuel Police Station sa posibleng epekto ng bagyong Kiyapo matapos makipag-ugnayan sa Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO) at lokal na pamahalaan para sa paghahanda sa anumang emergency.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PCapt. Leonard Mamerga, Chief of Police ng San Manuel Police Station, sinabi niyang nakahanda na ang kanilang hanay 24 oras upang agad na rumesponde at tumulong sa mga residenteng maaaring maapektuhan ng bagyo o iba pang kalamidad.

Ayon kay Mamerga, patuloy na pinaaalalahanan ng pulisya ang mga residenteng nakatira malapit sa ilog at mga lugar na madaling bahain na maging handa sa posibleng paglikas kung kinakailangan.

Mahigpit din aniyang minomonitor ng kanilang mga tauhan ang mga flood-prone areas upang maiwasan ang anumang insidente.

--Ads--

Samantala, ipinatutupad na rin ng San Manuel Police Station ang liquor ban alinsunod sa ordinansa ng lokal na pamahalaan upang mapanatili ang kaayusan at maiwasan ang anumang kaguluhan habang may banta ng masamang panahon.

Hinikayat naman ni Mamerga ang publiko na makiisa sa mga hakbang ng awtoridad at sundin ang mga abiso ng MDRRMO at lokal na pamahalaan para sa kaligtasan ng lahat.