--Ads--

Muling sasabak ang Alas Pilipinas Women sa Asian Games matapos ang walong taong pagkawala mula sa prestihiyosong torneo.

Gayunman, agad na haharap sa mabigat na hamon ang koponan matapos mapabilang sa tinaguriang “Group of Death” para sa 20th Asian Games na gaganapin sa Aichi-Nagoya, Japan sa Setyembre.

Makakasama ng Alas Women sa Pool B ang powerhouse na China, na siyam na beses nang nagkampeon sa Asian Games, at ang Kazakhstan na nagtapos bilang runner-up sa 2024 AVC Nations Cup.

Kasalukuyan nang naghahanda ang koponan sa pangunguna nina team captain Jia De Guzman, Eya Laure, Bella Belen, Erika Santos, Alyssa Solomon at Angel Canino sa ilalim ng paggabay ni Japanese coach Taka Minowa.

--Ads--

Huling nakalaro ang Alas Women sa Asian Games noong 2018 sa Jakarta, Indonesia kung saan nagtapos sila sa ikawalong puwesto.

Samantala, mabigat din ang magiging laban ng Alas Pilipinas Men matapos mapabilang sa Pool D kasama ang mga matitinding koponan ng China, South Korea at Chinese Taipei.

Hangad ng koponan na makagawa ng mas magandang kampanya sa torneo kung saan ang pinakamataas nilang natamong puwesto ay ikaapat noong 1958 Asian Games.