Magpapakabit na ng closed-circuit television o CCTV cameras ang pamahalaang barangay ng Nungnugan Uno bilang bahagi ng kanilang hakbang upang mapalakas ang seguridad at makatulong sa pagtukoy sa mga nasa likod ng mga naitatalang insidente ng pagnanakaw.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Punong Barangay Ariel Santos, sinabi nitong kasalukuyan nang pinoproseso ang paglalagay ng apat na CCTV cameras na ilalagay sa mga pangunahing bahagi ng barangay, kabilang ang Purok 1, Purok 3, Purok 6, at Purok 8.
Ayon sa kapitan, bagama’t may mga ulat ng pagnanakaw na nakararating sa kanila, marami sa mga biktima ang dumidiretso na lamang sa himpilan ng pulisya upang magsampa ng reklamo. Dahil dito, limitado rin ang naitatalang opisyal na ulat sa kanilang tanggapan.
Sinabi rin ng opisyal na tuloy-tuloy ang pagpapatrolya ng kanilang mga tanod. Karaniwang nagsisimula ang duty bandang alas-dose ng hatinggabi hanggang ala-una ng madaling araw, kung saan tatlo hanggang apat na tanod ang nakaatas kada gabi upang magbantay sa iba’t ibang bahagi ng barangay.
Kaugnay nito, hinikayat ng Punong Barangay ang mga residente na agad iulat sa barangay at sa pulisya ang anumang insidente ng pagnanakaw o kahina-hinalang aktibidad upang agad na maaksyunan at makatulong sa mas epektibong pagpapatupad ng seguridad sa kanilang komunidad.
Naniniwala rin ang pamunuan ng barangay na ang paglalagay ng CCTV cameras ay malaking tulong sa pagmamanman at sa pagtukoy sa mga posibleng sangkot sa krimen, bukod pa sa patuloy na pakikipagtulungan ng mga residente sa mga awtoridad











