--Ads--

Umaasa ang National Public Transport Coalition na bibigyang-pansin ng administrasyon sa nalalapit na State of the Nation Address (SONA) ang patuloy na pagtaas ng presyo ng produktong petrolyo at ang mga hakbang upang mabawasan ang epekto nito sa sektor ng transportasyon.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay National Public Transport Coalition convenor Ariel Lim na kabilang sa kanilang inaasahan ang agarang pagtalakay sa panukalang pag-amyenda sa Oil Deregulation Law na aniya’y matagal nang nakabinbin.

Ayon kay Lim, bagama’t nagpapasalamat ang kanilang grupo sa cash assistance na ibinibigay ng pamahalaan sa mga tsuper, mas makabubuti kung ang ayuda ay ilalaan sa pamamagitan ng fuel o fleet card upang matiyak na magagamit lamang ito sa pagbili ng diesel o gasolina.

Ipinaliwanag niyang sa ilalim ng panukalang sistema, ilalagay ng pamahalaan ang halaga ng ayuda sa fleet card ng bawat kwalipikadong driver at awtomatikong mababawas ang diskwento sa tuwing magpapakarga ng gasolina o diesel.

--Ads--

Aniya, mas magiging episyente ito kumpara sa cash assistance dahil maiiwasan ang mahabang pila, dobleng benepisyaryo at iba pang suliraning nararanasan sa pamamahagi ng ayuda.

Dagdag pa ni Lim, makatutulong din ang pag-amyenda sa Oil Deregulation Law upang magkaroon ng malinaw na mekanismo ng suporta sa mga tsuper sa tuwing tataas ang presyo ng langis sa pandaigdigang merkado.

Sinabi rin niyang kailangan ding palakasin ang kapangyarihan ng pamahalaan sa pagpapatupad ng batas upang magkaroon ng mas mahigpit na kontrol sa pagpapatupad ng oil price adjustments at maiwasan ang napaagang pagtataas ng presyo ng ilang mga gasolinahan.