
Magsasagawa ng tigil-pasada at kilos-protesta ang grupong PISTON sa Setyembre 29 at 30 sa iba’t ibang bahagi ng bansa bilang protesta sa patuloy na mataas na presyo ng mga produktong petrolyo sa kabila ng inaasahang rollback sa susunod na linggo.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PISTON President Mody Floranda, sinabi niyang nakatakdang idaos ang mga protesta sa Metro Manila at iba pang lugar kabilang ang Legazpi, Naga, Sorsogon, Quezon Province, Batangas, Cavite, Bulacan, Pampanga, Baguio, Bacolod, Panay, Iloilo, Cebu, Davao at General Santos City.
Ayon kay Floranda, makikilahok sa kilos-protesta ang iba’t ibang sektor ng transportasyon tulad ng mga jeepney, UV Express, bus companies at tricycle drivers.
Aniya, halos umabot na sa P50 kada litro ang kabuuang itinaas ng presyo ng diesel mula Enero hanggang sa kasalukuyan, dahilan upang lalong mabawasan ang kita ng mga drayber at operator.
Sinabi rin niyang kahit may napipintong rollback na mahigit P7 kada litro sa diesel sa susunod na linggo, nananatili pa rin itong maliit kumpara sa kabuuang pagtaas ng presyo ng langis nitong mga nakaraang buwan.
Iginiit pa ni Floranda na dapat umanong repasuhin ang Oil Deregulation Law at ikonsidera ng pamahalaan ang pagsuspinde ng fuel excise tax upang mabawasan ang pasanin ng mga motorista at mamamayan.
Patuloy din aniya silang nananawagan na maibalik sa mas mababang antas ang presyo ng produktong petrolyo at maitaas ang minimum wage upang makatulong sa pagharap ng mga manggagawa sa tumataas na gastusin.









