--Ads--

Iniulat ng Office of Civil Defense (OCD) na hindi gaanong matindi ang naging epekto ng Bagyong Kiyapo sa mga lugar sa Northern Luzon na dinaanan nito sa kabila ng mga pag-ulan at malalakas na hanging dulot ng naturang sama ng panahon.

Sa panayam ng Bombo Radyo kay OCD Spokesperson Junie Castillo, sinabi nitong minimal lamang ang naging epekto ng bagyo maging sa mga lugar na isinailalim sa Tropical Cyclone Wind Signal No. 2. Aniya, may ilan pang sektor, partikular ang mga magsasaka, na itinuring na kapaki-pakinabang ang mga pag-ulang dala ng bagyo dahil nakatulong ito sa kanilang mga pananim.

Gayunman, sinabi ni Castillo na mas malawak ang naging epekto ng southwest monsoon o habagat na pinalakas ng Bagyong Kiyapo, lalo na sa mga rehiyon ng Visayas at Mindanao.

Ayon sa OCD, mahigit 30 lugar sa naturang mga rehiyon ang nakaranas ng pagbaha at ilang araw ding nalubog sa tubig ang ilang komunidad.

--Ads--

Dahil dito, mahigit 27,000 pamilya ang naitalang apektado ng masamang panahon.

Binigyang-diin ni Castillo na malaking tulong ang maagang deployment ng mga responder at ang mahigpit na monitoring sa mga lugar na unang natukoy na posibleng maapektuhan ng bagyo upang mapanatiling minimal ang pinsalang dulot nito.

Dagdag pa niya, patuloy na ipinatutupad ng administrasyong Marcos ang maagap na pagpapakilos ng mga ahensya sa ground level at masusing pagbabantay sa mga itinuturing na high-risk areas upang maiwasan ang pagkasawi ng mga residente at mabawasan ang pinsala sa mga ari-arian at imprastraktura.