--Ads--

Umabot na sa anim ang iniulat na nasawi dahil sa epekto ng Southwest Monsoon o Habagat at mga bagyong Luis at Maymay, ayon sa Office of Civil Defense (OCD).

Sinabi ni OCD Deputy Administrator at Assistant Secretary Bernardo Rafaelito Alejandro IV, patuloy pang bina-validate ng ahensya ang mga ulat ng pagkasawi. Dalawa sa mga nasawi ay mula sa Rodriguez, Rizal, dalawa sa Benguet, at dalawa naman sa La Union.

Ayon pa kay Alejandro, mayroon ding pitong naitalang sugatan sa Benguet na kasalukuyan ding sumasailalim sa beripikasyon.

Sinabi ng opisyal na patuloy pa ring nararanasan ang epekto ng Habagat sa malaking bahagi ng Luzon, partikular sa Ilocos Sur, La Union, Abra, Benguet, ilang bahagi ng Region 3, at maging sa Mindoro.

--Ads--

Batay sa pinakahuling tala ng OCD, aabot na sa 74,800 pamilya o mahigit 261,000 indibidwal ang naapektuhan ng masamang panahon. Sa bilang na ito, nasa 2,500 pamilya ang pansamantalang nananatili sa 83 evacuation centers habang mahigit 2,200 katao naman ang tinutulungan sa labas ng mga evacuation center.

Patuloy rin ang pagbibigay ng tulong at pagbabantay ng mga awtoridad sa mga lugar na nasa tabi ng mga ilog, lalo na sa Pangasinan, dahil sa patuloy na pag-agos ng tubig mula sa kabundukan ng Cordillera Administrative Region (CAR) kasabay ng tuloy-tuloy na pag-ulan.

Samantala, nakapagtala ang OCD ng 63 binahang lugar, karamihan ay nasa Regions 1 at 3 at ilang bahagi ng Calabarzon. May mga kalsada rin na nananatiling hindi madaanan dahil sa pagbaha.

Naitala rin ang mga pagguho ng lupa sa Region 1 at CAR. Dahil dito, pinayuhan ng OCD ang mga biyahero na iwasan muna ang pagpunta sa Baguio City at iba pang bahagi ng Cordillera dahil sa banta ng landslide at rockslide sa Benguet.

Sa usapin naman ng pinsala, umabot na sa 120 kabahayan sa Region 1, CAR at Region 3 ang naiulat na napinsala ng masamang panahon.

Iniulat din ng OCD na 13 pantalan sa Regions 1, 3, 5 at Mimaropa ang nagkansela ng mga biyahe sa dagat dahil sa sama ng panahon.

Samantala, nagbigay na rin ng tulong pinansyal ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa mga pamilyang naapektuhan ng landslide sa Benguet at rockslide sa Rizal na dulot ng bagyong Maymay at pinalakas na Habagat.

Dalawang katao ang nasawi at isa ang malubhang nasugatan nang matabunan ng landslide ang isang kainan sa Barangay Shilan, La Trinidad, Benguet noong Agosto 6, habang dalawa rin ang nasawi sa Barangay Wawa, Rodriguez, Rizal matapos tamaan ng rockslide ang ilang kabahayan noong Agosto 5.

Patuloy namang nagbabala ang PAGASA na makararanas pa rin ng pag-ulan sa Luzon at Visayas sa mga susunod na araw dahil sa Habagat, na inaasahang magpapatuloy hanggang sa susunod na linggo.