Ibinahagi ng beteranong photojournalist na si Bullit Marquez ang naging karanasan niya at ng kapwa photojournalist na si Rene Dilan matapos umano silang harangin ng mga pulis habang nagko-cover ng isang protesta sa Pasay City noong Hulyo 22.
Ayon kay Marquez, nagsimula ang insidente nang makita nilang hinihila ng mga pulis ang isang babaeng Muslim mula sa hanay ng mga nagpoprotesta at kanilang kinukunan ito ng larawan.
Sinabi niya na pinigilan umano sila ng ilang pulis at tinakpan pa ng isang opisyal ang lente ng kanyang camera. Sa gitna ng insidente, nahulog umano ang kanyang camera at nang kanyang pulutin ay hinawakan siya ng isang pulis na tila nais siyang posasan.
Nakalaya naman si Marquez sa tulong ng mga kapwa mamamahayag na nasa lugar.
Iginiit niya na malinaw ang kanyang pagkakakilanlan bilang media practitioner dahil suot niya ang kanyang press ID at dala ang kanyang mga kagamitan sa pagkuha ng larawan.
Nagpahayag din siya ng pagkadismaya matapos umano siyang matukoy ng Pasay City Police bilang isa sa mga nagpoprotesta sa inilabas na pahayag ng pulisya.
Binigyang-diin ni Marquez na ang insidente ay hindi lamang tungkol sa kanya kundi sa mas malawak na usapin ng paggalang at pagkilala sa mahalagang papel ng media sa pagdodokumento ng mga pangyayari at pagbibigay ng tamang impormasyon sa publiko.
Nanawagan din siya na mapangalagaan ang kaligtasan at dignidad ng mga mamamahayag, lalo na sa mga sitwasyon tulad ng mga protesta at iba pang sensitibong kaganapan.











