--Ads--

Sinusuri ng Philippine National Police (PNP) ang posibleng paglabag sa Batas Pambansa Blg. 880 o Public Assembly Act kaugnay ng mga rally ng Iglesia ni Cristo (INC) na isinagawa nang walang permit.

Ayon kay PNP Public Information Chief Col. Allen Rae Co, iniimbestigahan pa kung may pananagutan ang mga organizer at kung anong mga kaso ang maaaring isampa laban sa kanila.

Nagsagawa ang INC ng mga pagtitipon sa People Power Monument sa Quezon City at Liwasang Bonifacio sa Maynila bilang suporta kay Senador Rodante Marcoleta, na nahaharap sa posibilidad ng kasong plunder kaugnay ng umano’y hindi idineklarang campaign donation noong 2025.

Binanggit ng PNP na nakapagsampa na rin ito noon ng mga kaso dahil sa paglabag sa Public Assembly Act, kabilang ang rekomendasyong pagsasampa ng kaso laban sa siyam na indibidwal kaugnay ng Labor Day rally noong Mayo sa Kalaw Avenue.

--Ads--

Samantala, tatlong katao ang inaresto matapos umanong manakit ng mga pulis nang magkaroon ng tensyon sa pagitan ng mga raliyista at mga awtoridad. Ayon kay Col. Co, pinag-aaralan din ang pagsasampa ng kasong direct assault at iba pang kaukulang reklamo laban sa mga naaresto.