Naglatag si Senador Panfilo “Ping” Lacson ng panibagong alegasyon ng umano’y double billing at double collection sa ilang infrastructure project sa Taguig City matapos umanong matuklasan ang paggamit ng magkaparehong larawan sa magkaibang proyekto at isang slope protection project na pinondohan umano nang dalawang beses.
Ayon kay Lacson, kabilang sa mga bagong ebidensiyang kanilang nakalap ang dalawang magkaibang proyekto na may magkahiwalay na budget appropriation, technical description, lokasyon at contractor ngunit iisang larawan ang ginamit bilang batayan sa billing.
Binanggit din ng senador ang isang slope protection project na may iisang lokasyon at technical description ngunit nakatanggap umano ng dalawang magkahiwalay na appropriations na kapwa na-bill at nakolekta.
Dahil dito, kinuwestiyon ni Lacson kung maituturing na bang mga criminal act ang naturang mga transaksyon at iginiit na handa nilang iharap ang mga detalye at ebidensiya sa Office of the Ombudsman o sa Senate Blue Ribbon Committee kapag nagsimula na ang pormal na imbestigasyon.
Sinabi pa ng senador na lalo pang lumalakas ang kasong kanilang binubuo kaugnay ng umano’y maanomalyang infrastructure projects sa Taguig City.
Matatandaang nauna nang inihayag ni Lacson ang umano’y pagkakadiskubre ng mga kahina-hinalang proyekto sa lungsod na pinaniniwalaan niyang dapat masusing imbestigahan.
Samantala, mariing itinanggi ni Senate Minority Leader Alan Peter Cayetano ang alegasyon at iginiit na walang ghost projects sa Taguig. Hinamon din nito si Lacson na ilabas ang lahat ng ebidensiya upang mapatunayan ang kanyang mga paratang.











