--Ads--

Ituturing sana umano ni Senador Panfilo “Ping” Lacson na papuri ang paglalarawan sa kanya ni Senador Alan Peter Cayetano bilang “Chief Justice,” “Prosecutor” at “DOJ” kung ito ay nagmula sa isang taong may kredibilidad.

Ayon kay Lacson, maaari ring ituring na pagkilala sa kanyang pagpupursiging magtanong at mangalap ng ebidensya ang mga puna ni Cayetano sa kanyang naging papel sa mga imbestigasyon.

Nauna nang sinabi ni Cayetano na tila ginagampanan ni Lacson ang papel ng “Chief Justice,” “Prosecutor” at “DOJ” sa mga isinasagawang imbestigasyon.

Kaugnay ito ng isyu sa mga flood control project sa Taguig City, matapos linawin ni Public Works Secretary Vince Dizon na nagpapatuloy pa ang imbestigasyon at kailangan pang i-validate ang mga unang natukoy na iregularidad.

--Ads--

Iginiit naman ni Lacson na hindi niya kayang manahimik kapag may nakikitang umano’y anomalya at sinabi niyang patuloy siyang ginagabayan ng ebidensya.

Ayon sa senador, ang mga natuklasan ng kanyang team sa mga flood control project ang nagtulak sa kanya na magsagawa ng mas malalim na pagsisiyasat at magsumite ng mga dokumento sa Office of the Ombudsman.

Patuloy namang magkahiwalay ang mga pahayag nina Lacson at Cayetano kaugnay ng mga isinasagawang imbestigasyon sa mga proyekto sa Taguig.