Inanunsiyo ni Senador Imee Marcos na hindi siya dadalo sa ikalimang State of the Nation Address (SONA) ng kanyang kapatid na si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ngayong araw, kasunod ng nauna nang pag-anunsyo ng ilang miyembro ng minorya sa Senado na hindi rin makikilahok sa taunang pagtitipon.
Sa isang panayam, sinabi ni Sen. Marcos na bagama’t pakikinggan naman niya ang talumpati ng pangulo, masama umano ang kanyang loob dahil sa aniya’y pagkakakulong at pagsasampa ng kaso laban sa mga nasa hanay ng minorya.
Ayon sa senadora, hindi niya kayang dumalo sa SONA dahil sa kanyang saloobin kaugnay ng kalagayan ng ilang miyembro ng oposisyon at minorya.
Napansin ding nakasuot ng kulay itim si Sen. Marcos, ngunit hindi niya direktang sinabi kung ito ay bilang protesta. Ipinaliwanag niyang nagsuot din siya ng itim noong nakaraang SONA dahil ito umano ang kanyang campaign color noong 2025 elections.
Nauna nang kinumpirma ni Senate Minority Leader Alan Peter Cayetano na hindi rin siya dadalo sa SONA ni Pangulong Marcos.
Sinabi rin ni Sen. Marcos na may iba pang miyembro ng minorya sa Senado na hindi rin dadalo sa taunang pagtitipon sa Batasang Pambansa.
Gayunman, nilinaw ng senadora na wala silang naging kasunduan bilang grupo na huwag dumalo sa SONA at kanya-kanya umano silang naging desisyon hinggil sa naturang usapin.











