--Ads--

Ipinagmalaki ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na umabot na sa 81 % ang employment o placement rate ng mga nagtapos sa Technical-Vocational Education and Training (TVET), patunay umano ng lumalawak na oportunidad para sa mga Pilipinong naghahanap ng trabaho.

Sa kanyang ikalimang State of the Nation Address (SONA) ngayong Lunes, sinabi ng Pangulo na mahalagang bahagi ang technical-vocational education sa pagbubukas ng mas maraming pagkakataon para sa mga mamamayan na magkaroon ng hanapbuhay at mapabuti ang kanilang kabuhayan.

Ayon kay Marcos, patuloy na pinalalawak ng pamahalaan ang mga programang nag-uugnay sa teknikal na edukasyon, trabaho, at mas mataas na antas ng pag-aaral upang mas maging handa ang mga mag-aaral sa kanilang napiling karera.

Binigyang-diin din niya ang pagsasama ng Tech-Pro program sa Senior High School curriculum na magbibigay sa mga estudyante ng mas maraming pagpipilian matapos ang kanilang pag-aaral.

--Ads--

Sa ilalim ng programa, maaari umanong ipagpatuloy ng mga mag-aaral ang kanilang edukasyon, agad na makapasok sa trabaho, o pagsabayin ang pag-aaral at pagtatrabaho.

Inihayag din ng Pangulo ang paglulunsad ng TESDA Passport, isang digital platform na magsisilbing imbakan ng training records at mga sertipikasyon ng mga manggagawa.

Umaasa ang administrasyon na sa pamamagitan ng mga hakbang na ito ay mas mapapadali ang paghahanap ng trabaho ng mga TVET graduates at mahihikayat ang patuloy na paglinang ng kanilang kasanayan.