Posibleng maapektuhan ang sektor ng agrikultura sa Pilipinas kasunod ng pagpataw ng 12.5 porsiyentong taripa ng Estados Unidos sa ilang produktong iniluluwas ng bansa, ayon sa isang eksperto.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Federation of Free Farmer Chairman of the Board Leonardo Montemayor, sinabi niya na hindi lamang ang mga exporters ang maaaring maapektuhan ng mas mataas na taripa kundi maging ang mga magsasaka at manggagawang umaasa sa produksiyon ng mga produktong iniluluwas sa Estados Unidos.
Ayon kay Montemayor, nakapagtataka kung bakit hindi naagapan ng mga kinauukulang ahensya ng pamahalaan ang isyu, gayong matagal nang umiiral ang batas ng Estados Unidos na nagtatakda ng mas mahigpit na patakaran laban sa mga produktong may kaugnayan sa paggamit ng forced labor.
Aniya, may sapat na panahon ang pamahalaan upang makapaghanda at maisulong ang kinakailangang batas na nagbabawal sa pagpasok ng mga produktong mula sa sapilitang paggawa, na isa umano sa mga rekisito ng U.S. trade law.
Dahil sa 12.5 porsiyentong taripa, inaasahang tataas ang presyo ng ilang produktong Pilipino sa merkado ng Estados Unidos, dahilan upang mabawasan ang demand o pagbili ng mga ito.
Kabilang sa mga posibleng maapektuhan ang mga produktong mula sa niyog, mga prutas gaya ng saging, pinya at mangga, gayundin ang ilang produktong gawa sa cotton.
Babala ni Montemayor, kapag bumaba ang demand sa mga produktong iniluluwas ng Pilipinas, direktang maaapektuhan ang kita ng mga magsasaka, manggagawa at iba pang sektor na nakadepende sa export industry.
Naniniwala rin siya na nagkaroon ng pagkukulang ang pamahalaan sa pakikipagnegosasyon at paghahanda sa usapin ng taripa dahil, aniya, dapat ay naipabatid na agad ng Philippine Embassy at ng mga trade at agricultural attaché sa Kongreso at sa Malacañang ang pangangailangang amyendahan ang umiiral na batas upang maiwasan ang pagpataw ng mas mataas na taripa.








