19 katao ang nawawala matapos gumuho ang isang shopping mall at masira ang isang pabrika ng papel kasunod ng malakas na lindol na tumama sa timog-kanlurang bahagi ng Japan nitong Martes.
Sa ulat ng mga awtoridad sa Kumamoto Prefecture, apat na katao ang matagumpay na nasagip mula sa gumuhong Aeon Mall sa lungsod ng Kashima, habang 10 iba pa ang patuloy na pinaghahanap matapos ang pagsabog na naganap sa gusali kasunod ng pagyanig.
Sa Yatsushiro City naman, dalawang katao ang natagpuang wala nang buhay matapos gumuho ang isang chimny sa Yatsushiro Plant ng Nippon Paper. Siyam na iba pa ang nananatiling nawawala.
Tumama ang lindol sa Kyushu Island bandang alas-4:27 ng hapon. Ayon sa Japan Meteorological Agency (JMA), magnitude 7.1 ang lakas ng lindol, bagama’t iniulat ng United States Geological Survey (USGS) na magnitude 6.8 ito. Karaniwan umanong nagbabago ang pagtataya sa lakas ng lindol habang sinusuri pa ang karagdagang datos.
Ayon kay Bombo International News Correspondent Myles Briones Beltran, ito na ang pinakamalakas na lindol na naitala sa Kumamoto ngayong taon. Gayunman, matatandaang nakaranas na rin ang lugar ng mas malakas na lindol noong 2016 na ikinasawi ng 275 katao at ikinasugat ng libo-libong residente.
Dagdag pa ni Beltran, marami ring Pilipino ang naninirahan sa Kyushu, partikular sa Kagoshima, kung saan marami ang nagtatrabaho sa sektor ng agrikultura.
Sa ngayon, patuloy na minomonitor ng mga awtoridad sa Japan ang sitwasyon dahil sa posibilidad ng mga aftershock kasunod ng malakas na pagyanig.











