Iginiit ni Senador Panfilo “Ping” Lacson na may hawak siyang mga detalye kaugnay ng umano’y anomalya sa infrastructure projects sa Taguig City.
Ito ang pahayag ni Lacson matapos tawagin ni Senate Minority Leader Alan Peter Cayetano na “malicious” ang mga alegasyon laban sa mga proyekto sa lungsod.
Ayon kay Lacson, malalaman ng publiko ang mga detalye ng limang case studies na isinumite nila sa Office of the Ombudsman sa pamamagitan ng pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee.
Nauna nang sinabi ni Lacson na nakapagsumite ang kanyang tanggapan ng mga dokumento at testimonya hinggil sa umano’y ghost projects, double appropriations, at paggamit ng lumang larawan para sa mga bagong kontrata sa Taguig.
Mariin namang itinanggi ni Cayetano ang alegasyon at iginiit na dapat idaan sa tamang proseso ang anumang imbestigasyon.











