--Ads--

Inaprubahan ng Senado sa ikatlo at huling pagbasa ang SMART KIDS Act na naglalayong pagbawalan ang mga menor de edad o mga edad 17 pababa na magkaroon ng access sa mga itinuturing na high-risk online platforms.

Labing-anim na senador ang bumoto pabor sa Senate Bill No. 2424 habang si Senador Risa Hontiveros lamang ang bumoto laban dito.

Sa ilalim ng panukala, inaatasan ang mga high-risk digital services na tiyaking walang menor de edad ang makakagawa o makakagamit ng account sa kanilang mga platform at magpatupad ng age-verification measures.

Hindi naman saklaw ng panukala ang e-mail services, private messaging applications, online gaming platforms na hindi pangunahing ginagamit para sa social networking, educational platforms, news services at professional collaboration services.

--Ads--

Magpapataw naman ng multang P5 milyon hanggang P20 milyon kada paglabag sa mga digital platform na hindi susunod sa batas, bukod pa sa karagdagang P100,000 kada araw hanggang makasunod ang mga ito.

Maaari ring mapatawan ng multa at iba pang parusa ang mga magulang o guardian na sadyang tutulong sa paglabag sa age-verification requirements.

Ayon kay Senador Robin Padilla, pangunahing may-akda ng panukala, layunin nitong maprotektahan ang mga kabataan laban sa cyberbullying, online abuse at iba pang panganib sa internet.