Umakyat na sa 13 ang bilang ng mga nasawi matapos yanigin ng malakas na lindol ang Kumamoto Prefecture sa timog-kanlurang bahagi ng Japan nitong Martes.
Ayon kay Japanese Prime Minister Sanae Takaichi, patuloy pang tinatasa ng mga awtoridad ang lawak ng pinsala dulot ng magnitude 7.1 na lindol.
Kabilang sa mga nasawi ang dalawang babae na natagpuan sa isang shopping mall sa bayan ng Kashima, habang pitong iba pa ang nagtamo ng matinding pinsala.
Malaki ang naging pinsala sa isang shopping mall na hinihinalang tinamaan ng pagsabog ng gas matapos ang lindol, dahilan upang gumuho ang ilang bahagi ng gusali. Walo naman ang nailigtas mula sa establisimyento.
Samantala, siyam na katao pa ang nawawala sa isang paper factory sa Yatsushiro matapos bahagyang gumuho ang isang smokestack.
Nagdulot din ang lindol ng mga sunog, pagguho ng mga gusali at tulay, pagkakabaligtad ng isang freight train, at pagsasara ng ilang pangunahing kalsada at serbisyo ng shinkansen sa apektadong lugar.
Bilang tugon, nagpakilos ang militar ng Japan ng 3,600 tauhan at 20 sasakyang panghimpapawid upang tumulong sa search and rescue at damage assessment operations.











