Pinaalalahanan ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) ang mga local entities na hanggang katapusan ng Setyembre lamang ang pagsusumite ng kanilang mga planong mangutang mula sa ibang bansa para sa ikaapat na kwarter ng taon.
Ayon sa BSP, kinakailangang magsumite ng foreign borrowing plans ang mga resident entities na nagbabalak kumuha ng medium at long-term loans mula sa mga dayuhang nagpapautang, kabilang ang offshore debt issuances at paglalabas ng mga debt instruments na babayaran sa foreign currency.
Sinabi ng BSP na mahalaga ang mga isinusumiteng plano upang matukoy ang magiging pangangailangan ng bansa sa foreign funding sa susunod na taon at matiyak na nananatiling kayang bayaran ng bansa ang mga utang nito sa ibang bansa.
Batay sa datos ng BSP, umabot sa $1.10 bilyon ang inaprubahang foreign borrowings ng pampublikong sektor sa ikatlong kwarter ng 2025, mas mababa ng 71.13% kumpara sa $3.81 bilyon sa kaparehong panahon noong 2024.
Sa ilalim ng umiiral na mga regulasyon, kinakailangan munang makakuha ng pag-apruba mula sa Monetary Board ang lahat ng panukalang foreign borrowings ng pambansang pamahalaan, mga ahensya ng gobyerno, at government financial institutions, kabilang ang mga pautang na may garantiya ng pamahalaan.
Binigyang-diin ng BSP na bahagi ito ng kanilang mandato upang mapanatiling nasa maayos na antas at kakayahan ng bansa ang pagbabayad sa mga utang panlabas.










