Hindi hihiling ang House prosecution panel na mag-inhibit si Senator-Judge Pia Cayetano sa impeachment trial ni Vice President Sara Duterte sa kabila ng kumalat na umano’y manipulated video na nagpapakitang inamin ni Akbayan Rep. Chel Diokno na nagsasagawa sila ng “fishing expedition.”
Ayon kay prosecution legal spokesman Atty. Benjamin Tolosa Jr., patuloy nilang binibigyan ng benepisyo ng pagdududa si Cayetano at hindi nila nais na ilihis ang usapin sa mga personalidad. Posible rin aniyang nagkaroon lamang ng pagkakamali sa pag-post ng video ng social media staff o handlers ng senador.
Samantala, sinabi ni prosecution adviser at spokesman Robert Ace Barbers na batid ng mga senator-judges ang tunay na konteksto ng pagdinig kaugnay ng kahilingan na ma-subpoena ang bank at tax records ni Vice President Duterte at ng kanyang asawang si Atty. Manases Carpio.
Nanawagan naman si Barbers sa publiko na maging mapanuri laban sa maling impormasyon at nagpahayag ng tiwala na mananatiling patas at walang kinikilingan ang mga senator-judges sa pagdinig ng impeachment case.











