Nasa mahigit kalahati na ng unang batch ng mga benepisyaryo ng Uplift Program ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) Region 2 ang nabigyan na ng ayuda, habang nagpapatuloy naman ang payout para sa kabuuang 50,948 benepisyaryo sa buong rehiyon.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay DSWD Region 2 Regional Director Lucia Alan, sinabi nitong kabilang sa unang batch ang 19,289 benepisyaryo, kung saan 10,858 na o 56.34 porsyento ang nakatanggap na ng ayuda. Nasa 31,659 benepisyaryo naman ang kabilang sa ikalawang batch, para sa kabuuang 50,948 benepisyaryo.
Umaabot naman sa P119.89 milyon ang pondong inilaan para sa programa sa Region 2. Ayon kay Alan, isang beses lamang bibigyan ng ayuda ang mga kabilang sa unang batch, habang ang payout para sa ikalawang batch ay isasagawa mula Hulyo hanggang Disyembre.
May ilang payout naman ang hindi agad natuloy dahil sa masamang panahon at hindi pagpasok ng mga tauhan sa ilang lugar, kabilang ang Alfonso Castañeda at San Ildefonso. Ayon kay Alan, isasabay ang mga hindi pa nabigyan sa susunod na payout schedule, habang target nilang makapunta sa Alfonso Castañeda sa susunod na linggo, depende sa kondisyon ng lugar.
Ipinaliwanag ni Alan na kabilang sa Group 1 ang mga benepisyaryo ng 4Ps at Walang Gutom Program, habang ang Group 2 ay binubuo ng mga pamilyang kabilang sa poor at near-poor category. Ang listahan ng mga kwalipikadong benepisyaryo ay ibinatay sa Community-Based Monitoring System o CBMS na isinagawa ng Philippine Statistics Authority katuwang ang mga lokal na pamahalaan.
Samantala, para sa mga hindi nakakuha ng ayuda sa itinakdang schedule, maaaring lumapit sa pinakamalapit na SWAD office at dalhin ang kinakailangang dokumento, kabilang ang GCash o ATM details kung mayroon. Maaari ring magsagawa ng panibagong schedule ang DSWD kung marami ang hindi nakatanggap sa itinakdang payout.
Nilinaw naman ng DSWD na hindi pinapayagan ang proxy sa pagkuha ng ayuda, maliban sa mga extreme cases at kung ang maaaring kumuha ay family member na kabilang sa database ng DSWD Region 2.











