--Ads--

Naniniwala ang National Anti-Poverty Commission (NAPC) na hindi sapat ang pagbaba ng poverty incidence upang masabing tuluyan nang nakaahon sa kahirapan ang mga Pilipino dahil marami pa ring pamilyang madaling maapektuhan ng sakit, pagkawala ng trabaho, pagtaas ng presyo ng bilihin at iba pang krisis.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan, sinabi ni NAPC Deputy Director General Mary Rose Villaflor na mahalagang maituon ang mga programa ng pamahalaan sa mga sektor na higit na nangangailangan ng tulong, kabilang ang pagpapalakas ng livelihood, income generation at skills training programs.

Binigyang-diin din niya ang kahalagahan ng whole-of-government approach upang matiyak na umaabot sa mga nangangailangan ang mga serbisyo at oportunidad.

Ayon pa kay Villaflor, hindi dapat magtapos sa ayuda ang anti-poverty efforts ng pamahalaan. Aniya, kailangan itong masundan ng mga programang may kaugnayan sa trabaho, kabuhayan, kalusugan at edukasyon upang maging mas matatag ang mga pamilya laban sa mga biglaang krisis at hindi agad bumalik sa kahirapan.

--Ads--