Pormal nang inilunsad ng pamahalaang lungsod ng Ilagan ang bagong amphibious vehicle na inaasahang magpapalakas sa disaster response at magpapabilis sa paghahatid ng tulong sa mga komunidad na mahirap marating tuwing kalamidad.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Ginoong Jhun Montereal, Spokesperson ng Public Information Office ng LGU Ilagan City, sinabi niyang gagamitin ang amphibious vehicle sa paghahatid ng relief packs, pagkain at iba pang pangunahing pangangailangan sa mga lugar na kadalasang naaabot lamang sa pamamagitan ng mga bangkang de-motor o de-sagwan.
Ayon kay Montereal, gawa sa Ukraine ang naturang sasakyan at kabilang ang Ilagan City sa iilang lokal na pamahalaan sa bansa na nagmamay-ari ng ganitong uri ng rescue vehicle.
May kakayahan itong magkarga ng hanggang 1,200 kilo o katumbas ng walong hanggang sampung katao. Gayunman, karaniwang tatlo hanggang apat na rescuer lamang ang sasakay rito upang mas marami ang maikargang suplay sa panahon ng operasyon.
Aniya, malaking tulong ang amphibious vehicle sa mga tauhan ng Rescue 1124 dahil maaari itong gamitin sa tubig at kalupaan, kabilang ang malalalim na bahagi ng ilog, mabatong lugar at lubak-lubak na mga daan.
Dahil maraming tributaries at mga komunidad na napapalibutan ng katubigan sa Ilagan City, inaasahang mapapabilis ng naturang sasakyan ang pagresponde sa mga emergency at paghahatid ng tulong sa mga residente.
Inilunsad ang amphibious vehicle kasabay ng isang malaking programa ng lungsod noong Hulyo 31. Ayon kay Montereal, matibay at angkop ito sa matitinding kondisyon dahil sa laki ng katawan nito at mga gulong na mahigit limang talampakan ang taas.
Tiniyak naman ng LGU Ilagan na magiging maayos ang maintenance ng sasakyan sa pamamagitan ng suporta ng supplier nito. Dagdag pa niya, matagal nang layunin ng lungsod na magkaroon ng mas moderno at sopistikadong kagamitan para sa disaster response, mula sa mga simpleng bangka hanggang sa mga motorboat at iba pang rescue vehicles.
Umaasa rin ang lokal na pamahalaan, sa pangunguna ni Mayor Josemarie Diaz, na madaragdagan pa ang mga makabagong kagamitan na magagamit sa paghahatid ng serbisyo at pagtugon sa mga sakuna sa lungsod.











