--Ads--

Kinumpirma ng Department of Migrant Workers (DMW) na nadagdagan sa tatlo ang bilang ng mga Pilipinong seafarer na nasawi bunsod ng nagpapatuloy na sigalot sa Black Sea na kinasasangkutan ng Russia at Ukraine.

Ayon kay DMW Secretary Hans Leo Cacdac, kabuuang 236 na Pilipinong marino na sakay ng 17 barko ang naapektuhan ng tensyon sa hilagang bahagi ng Black Sea.

Sa nasabing bilang, tatlo ang kumpirmadong nasawi, 15 ang nasugatan, isa ang nawawala, habang 217 naman ang nananatiling ligtas.

Iniulat din ni Cacdac na nakauwi na sa bansa ang 89 sa mga apektadong seafarer, kabilang ang ilan sa mga nagtamo ng pinsala.

--Ads--

Gayunman, hindi pa nagbigay ng karagdagang detalye ang DMW hinggil sa pagkamatay ng ikatlong Pilipinong marino.

Dahil dito, inatasan ng ahensya ang mga ship owner at manning agency na ilikas o ilipat sa mas ligtas na lugar ang mga Pilipinong tripulante na nasa northern Black Sea.

Muling nagpaalala ang DMW sa mga shipping company na iwasan munang maglayag sa naturang lugar kasama ang mga Pilipinong seafarer habang nagpapatuloy ang kaguluhan sa rehiyon.