Tinalakay ni Cabinet Secretary Benjamin “Benhur” Abalos Jr. at ng delegasyon mula sa Poland ang pagpapalawak ng ugnayan ng dalawang bansa sa larangan ng agrikultura, kalakalan, at pagpapaunlad ng kasanayan ng mga manggagawang Pilipino sa isang pagpupulong kasama ang mga pangunahing ahensya ng pamahalaan.
Nakipagpulong si Poland Minister of Agriculture and Rural Development Stefan Krajewski sa mga opisyal ng Department of Agriculture (DA), Department of Migrant Workers (DMW), at Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) upang tuklasin ang mga bagong oportunidad para sa bilateral na kooperasyon.
Kabilang sa mga napag-usapan ang pagpapalakas ng kalakalan ng mga produktong agrikultura tulad ng baboy, manok, mansanas, butil, at iba pang produktong pagkain, gayundin ang pagpapalawak ng mga programa sa pagsasanay at sertipikasyon para sa mga Pilipinong manggagawa.
Batay sa datos ng Bureau of Animal Industry, umabot sa 25,009 metriko tonelada ang meat shipments mula Poland patungong Pilipinas mula Enero hanggang Hunyo ngayong taon.
Naitala rin ang 30.6 porsiyentong pagtaas sa agri-food exports ng Poland sa Pilipinas, mula 81.1 milyong dolyar noong 2024 hanggang 106 milyong dolyar noong 2025.
Samantala, kinilala ni Krajewski ang mahalagang ambag ng mga Pilipinong manggagawa sa ekonomiya ng Poland dahil sa kanilang kasipagan, kakayahan, at propesyonalismo.
Tiniyak naman ni Abalos na magpapatuloy ang koordinasyon at dayalogo sa pagitan ng dalawang bansa upang higit pang mapalawak ang kanilang kooperasyon at mapakinabangan ito ng parehong mamamayan.











