Itinanggi ng kampo ni Vice President Sara Duterte ang pahayag na ginamit ng Office of the Vice President (OVP) ang P125 milyong confidential funds sa loob lamang ng 11 araw noong Disyembre 2022.
Sa pagpapatuloy ng impeachment trial, tumanggi ang abogado ng depensa na si Michael Poa na sang-ayunan ang pahayag ng prosekusyon na batay sa mga rekord ng Commission on Audit (COA), natanggap ng OVP ang naturang pondo noong Disyembre 20, 2022 at nagastos ito sa loob ng 11 araw.
Gayunman, inamin ng kampo ng bise presidente na nakatanggap ang OVP ng P125 milyong confidential funds noong 2022, ngunit iginiit na ang pagpapalabas nito ay may pag-apruba ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Isa sa mga article ng impeachment laban kay Duterte ang umano’y maling paggamit ng P612.5 milyong confidential funds ng OVP at Department of Education noong siya pa ang kalihim ng kagawaran.
Matatandaang naglabas ang COA ng Notice of Disallowance sa P73 milyon ng naturang pondo dahil sa umano’y paglabag sa mga umiiral na alituntunin sa paggamit ng confidential funds.










