Handa ang Office of the Vice President o OVP na gumawa ng kaukulang hakbang matapos pinal na pagtibayin ng Commission on Audit o COA ang disallowance sa paggamit ng confidential funds nito.
Ayon sa OVP, hindi pa nito natatanggap ang kopya ng resolusyon ng COA sa motion for reconsideration kaugnay ng disallowance sa confidential expenses.
Sinabi ng tanggapan ni Vice President Sara Duterte na inaasahan na nila ang naturang desisyon at nakahanda na silang tumugon sa pamamagitan ng naaangkop na legal at institutional channels.
Pinal na pinagtibay ng COA ang disallowance sa ₱73 milyon na confidential funds na inilabas ng OVP noong Disyembre 2022.
Una nang na-flag ng state auditors ang paggamit ng naturang pondo at naglabas ng notice of disallowance, na nangangahulugang itinuring na iregular ang transaksyon at maaaring obligahin ang mga responsable na isauli ang pondo.
Ayon sa COA, kabilang sa maaaring managot sa refund ang mga opisyal na nag-apruba, nag-authorize at nag-certify ng transaksyon, pati ang mga aktuwal na tumanggap ng disallowed amount.











