--Ads--

Sinabi ni dating Davao City chief information officer Jefry Tupas na inalok umano siya ng mga tauhan ng National Bureau of Investigation o NBI ng pera at matutuluyan sa Forbes Park, Makati City.

Ayon sa pahayag na ipinaabot ng kanyang abogado na si Caesar Europa, dumating umano ang mga awtoridad upang alukin siya ng proteksyon dahil sa banta ng pagdukot na iniuugnay sa pamilya Duterte.

Sinabi rin ni Tupas na tiniyak umano ni NBI Director Melvin Matibag ang proteksyon para sa kanya at sa kanyang pamilya.

Gayunman, tumanggi umano si Tupas sa naturang alok. Hindi pa niya tinutukoy ang mga NBI personnel na sinasabing nag-alok sa kanya at wala ring inilabas na ebidensiya para patunayan ang alegasyon.

--Ads--

Samantala, nagsumite na si Tupas ng affidavit sa NBI kung saan itinanggi niya ang alegasyon ni dismissed policeman Rodulfo Gracioso Jr. na tumanggap siya ng mga maleta ng pera para sa mga Duterte.

Itinanggi rin ni Vice President Sara Duterte ang mga alegasyon ni Gracioso at sinabing may mga taong inaalok umano ng pera upang tumestigo kaugnay ng kanyang affidavit.