--Ads--

Nakatulong ang tuloy-tuloy na pag-ulan na dulot ng Bagyong Luis upang madagdagan ang suplay ng tubig sa Magat Dam.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Engr. Carlo Ablan, Division Manager ng Dam and Reservoir Division ng NIA-MARIIS, sinabi nitong tumaas ng halos tatlong metro ang water elevation ng Magat Dam sa nakalipas na mga araw.

Mula sa naitalang 161.70 meters, umabot na sa 164.45 meters ang water elevation ng dam bandang alas-4:00 ng hapon.

Ayon pa kay Engr. Ablan, nasa 164 cubic meters per second (CMS) ang inflow o pumapasok na tubig sa dam, habang 61 CMS naman ang outflow o inilalabas na tubig.

--Ads--

Ipinaliwanag niya na mas mataas ang inflow kaysa sa outflow, indikasyon na mas maraming tubig ang pumapasok sa reservoir kaysa sa inilalabas nito.

Aniya, malaking pakinabang ang dala ng Bagyong Luis sa pagtaas ng water elevation ng Magat Dam dahil maging bago pa man ito ganap na maging bagyo ay nagdulot na ang low pressure area ng tuloy-tuloy na pag-ulan sa watershed, dahilan upang unti-unting mapuno ang reservoir.

Dagdag pa ni Engr. Ablan, ang patuloy na pag-ulan sa watershed area ay mahalaga upang makapag-ipon ng sapat na suplay ng tubig na magagamit sa irigasyon at iba pang pangangailangan sa mga susunod na panahon.