Pinagpapaliwanag na ng Public Order and Safety Division (POSD) ng Cauayan City ang kontratista ng road project sa Barangay Labinab kasunod ng patuloy na reklamo ng mga motorista sa matinding pagsisikip ng daloy ng trapiko sa lugar.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay POSD Chief Pillarito Mallillin, sinabi nitong target sanang matapos ang proyekto bago ang pagbubukas ng klase noong Hunyo 2026, subalit hanggang ngayon ay nagpapatuloy pa rin ang konstruksyon.
Ayon kay Mallillin, responsibilidad ng kontratista ang paglalagay ng sapat na traffic flagmen sa magkabilang bahagi ng proyekto upang maayos na makontrol ang daloy ng mga sasakyan.
Aniya, nakipagpulong na rin ang kanilang tanggapan sa mga punong barangay upang tumulong ang mga opisyal ng barangay sa pagpapanatili ng kaayusan sa lugar.
Dagdag pa ng opisyal, bagama’t may mga traffic flagmen na naka-duty, may ilan pa ring motorista ang hindi sumusunod sa kanilang mga senyas. Dahil dito, mahigpit nilang ipatutupad ang pagbibigay ng citation tickets sa mga lalabag sa umiiral na traffic regulations.
Nanawagan din si Mallillin sa kontratista na tiyaking sapat ang bilang at maayos ang pagsasanay ng mga traffic flagmen, habang hinikayat naman ang mga motorista na makiisa at sumunod sa traffic management upang maiwasan ang aksidente at mabawasan ang pagsisikip ng daloy ng trapiko.











