Tiniyak ng Naguilian Police Station ang patuloy at mas pinaigting na kampanya laban sa iligal na droga upang mapanatiling drug-cleared ang bayan ng Naguilian.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PCpt. Arvin Asuncion, Chief of Police ng Naguilian Police Station, sinabi niya na hindi tumitigil ang kanilang himpilan sa pagsasagawa ng iba’t ibang operasyon at hakbang upang masawata ang pagkalat ng iligal na droga sa kanilang nasasakupan.
Ayon sa kanya, mas pinaigting nila ang koordinasyon at pakikipag-ugnayan sa mga komunidad, partikular sa mga opisyal ng barangay at iba pang sektor, upang matiyak na walang nakakapasok na iligal na droga at iba pang uri ng kriminalidad sa bayan.
Kabilang sa mga isinasagawang hakbang ng pulisya ang pagpapatupad ng police visibility operations, regular na checkpoints, intelligence monitoring, information gathering, at information dissemination upang mapalakas ang kamalayan ng publiko sa masamang epekto ng iligal na droga at mahikayat ang mga residente na makipagtulungan sa mga awtoridad.
Bukod dito, patuloy rin ang pakikipag-ugnayan ng Naguilian Police Station sa iba pang law enforcement agencies at mga lokal na opisyal upang agad na matugunan ang anumang impormasyon kaugnay ng mga hinihinalang ilegal na aktibidad sa kanilang nasasakupan.
Binigyang-diin ni PCpt. Asuncion na mahalaga ang aktibong pakikiisa ng mga mamamayan sa pagbibigay ng impormasyon sa pulisya upang mapigilan ang muling pagpasok ng iligal na droga sa komunidad.
Aniya, sa pamamagitan ng sama-samang pagkilos ng pulisya, lokal na pamahalaan, at mga residente, masisiguro ang pagpapanatili ng kapayapaan, kaayusan, at kaligtasan ng lahat ng mamamayan sa bayan ng Naguilian.











