--Ads--

Magkaparehong arestado ang dalawang hinihinalang tulak ng iligal na droga sa magkahiwalay na buy-bust operations na isinagawa ng mga awtoridad sa Cauayan City.

Sa ulat ng pulisya, unang naaresto si alyas “John,” 29-anyos, residente ng Barangay Tagaran, matapos umanong bentahan ng isang sachet ng hinihinalang shabu ang isang pulis na nagpanggap na pusher-buyer.

Nakumpiska mula sa kanya ang tinatayang 0.2 gramo ng hinihinalang shabu na may standard drug price na P1,360, buy-bust money na 1,000 peso bill at isang 500 pesos gayundin ang isang Android cellular phone.

Nahaharap ang suspek sa kasong paglabag sa Section 5, Article II ng Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.

--Ads--

Samantala, naaresto rin si alyas “Jimsr” 31-anyos, may asawa, helper at residente ng Barangay District 3, Cauayan City, sa isinagawang buy-bust operation sa Purok 5, Barangay Alicaocao.

Nakumpiska mula sa kanya ang dalawang transparent sachet ng hinihinalang shabu na may kabuuang timbang na 0.5 gramo at standard drug price na humihit-kumulang P3,400, bukod pa sa iba pang drug paraphernalia.

Nahaharap ang suspek sa mga kasong paglabag sa Sections 5, 11 at 12, Article II ng Republic Act 9165.

Pinangunahan ng City Drug Enforcement Unit ng Cauayan City Police Station, katuwang ang iba pang law enforcement agencies at sa koordinasyon ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) Region 2, ang magkahiwalay na operasyon.

Ayon sa pulisya, isinailalim sa tamang inventory at dokumentasyon ang lahat ng nakumpiskang ebidensya sa presensya ng mga kinatawan ng National Prosecution Service, media at barangay officials, habang nasa kustodiya na ng Cauayan City Police Station ang dalawang suspek para sa pagsasampa ng kaukulang kaso.